Nakaalerto na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Luis.
Inatasan na ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga field office na makipag-ugnayan sa mga LGU at bantayan ang sitwasyon sa mga posibleng maapektuhang lugar.
May nakapuwesto nang family food packs at iba pang relief items sa mga bodega ng ahensya para sa agarang pamamahagi ng tulong.
Ayon sa PAGASA, bahagyang lumakas ang Tropical Depression Luis habang kumikilos sa silangan ng Bicol.
Inaasahan din itong magdadala ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.
Nasa Signal No. 1 ang ilang lugar sa CALABARZON at Bicol.
Samantala, sinabi ng DSWD na may 4.933 milyong family food packs itong nakaimbak sa buong bansa na handang ipamahagi kung kinakailangan.
Pinayuhan ng DSWD ang publiko na sundin ang mga abiso ng PAGASA at ng kanilang mga lokal na pamahalaan habang patuloy na mino-monitor ang epekto ng bagyo.