Magpapatuloy ngayong umaga ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado, kung saan inaasahang haharap bilang mga pangunahing testigo ang mga opisyal mula sa Commission on Audit (COA).
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House Prosecution Panel, nakatuon ang susunod na yugto ng pagdinig sa Article I ng Articles of Impeachment ang alegasyon kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Nakatakdang tumayo sa witness stand ngayong linggo sina: Roderick Wamil – Former COA State Auditor at Celine May del Campo – Incumbent Supervising Auditor ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO).
Ipapaliwanag ng dalawang auditor ang proseso ng pag-audit sa mga confidential fund, ang mga pamantayang ginamit sa pagsusuri ng liquidation documents, at ang mga findings.
Kabilang dito ang pagpapalabas ng Notice of Disallowance para sa ₱448 milyong confidential funds ng OVP noong 2023 at desisyon ng COA na ipasauli ang ₱73.287 milyong confidential funds ng OVP noong 2022.
Bukod sa mga auditor ng COA, nakatakda ring humarap ngayong linggo ang direktor ng Legislative Archives and Museum Management Service ng HRep.
Binigyang-diin ni Rep. Chua na may humigit-kumulang 13 testigo ang nakalinya para sa Article I.
Gayunpaman, nilinaw niya na maaari nilang bawasan ang bilang ng mga haharap kung sapat na ang maihaharap na testimonya at dokumento upang mapatunayan ang mga akusasyon.