Nakahanda si dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez na harapin ang isasagawang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman, kaugnay ng umano’y flood control scam.
Ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita na si Atty. Ade Fajardo, sasagutin ni Romualdez ang lahat ng akusasyon laban sa kanya ngunit umaasa itong magiging patas ang proseso ng imbestigasyon.
Iginiit din ni Fajardo, na walang ebidensiyang nag-uugnay kay Romualdez sa pagpapatibay ng 2025 national budget at sa implementasyon ng flood control projects.
Katunayan ito rin aniya ang naging obserbasyon ng Independent Commission on Infrastructure.
Kinuwestiyon din niya ang paggamit ng Office of the Ombudsman sa testimonya ng mga tinaguriang “maleta boys,” na aniya’y dati nang itinuring na hindi kapani-paniwala.
Katunayan kinasuhan na ng DOJ ng perjury ang mga testigong ito dahil sa umano’y mga maling pahayag, kaya’t hindi niya maunawaan kung bakit binibigyan pa rin ng bigat ang kanilang mga salaysay sa kasalukuyang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Fajardo, hindi nila maintindihan kung bakit si Romualdez na lamang ang tila pinagtutuunan ng imbestigasyon gayong mahigit 20 mambabatas ang orihinal na pinangalanan ng “maleta boys,” ngunit ang mga ito ay hindi na kasama sa kasalukuyang mga alegasyon.