Mahalagang matukoy kung saan napunta ang ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) matapos itong ma-withdraw nang cash.
Ayon kay House trial spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers, hindi nagtatapos ang pananagutan sa sandaling ma-withdraw ang pondo sa bangko.
Aniya, ang pangunahing tanong ay kung sino ang huling tumanggap ng pera at kung saan ito ginamit.
Hindi rin aniya sapat ang liquidation reports o acknowledgment receipts kung hindi mapatutunayang may totoong recipient, operasyon, at naging resulta ang paggamit ng confidential funds.
Samantala, sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na mahalaga ring matukoy kung sino ang nag-utos sa malalaking cash withdrawals at kung sino ang nagpasya kung paano ginastos ang pondo ng bayan.
Aniya, hindi nawawala ang pananagutan kahit maraming opisyal ang humawak sa pera, lalo na kung may mga kahina-hinalang transaksiyon sa pag-withdraw nito.
Kailangan din aniyang mapatunayang nagamit ito sa lehitimong intelligence operations at nagbigay ng tunay na pakinabang sa publiko.
Ayon kay Ortega, hindi sapat ang liquidation documents o ang pagbanggit na confidential ang pondo dahil kailangan pa ring mapatunayan na may aktuwal na mga informant, operasyon, at intelligence outputs na tumutugma sa inilabas na pondo.
Inaasahang ihaharap ng prosekusyon ngayong linggo ang dating Commission on Audit state auditor na si Roderick Wamil, Intelligence and Confidential Funds Audit Office Supervising Auditor Celine May Del Campo, at House Legislative Information Resources Management Department Director Marivic Pareja upang magbigay-linaw sa audit findings, notices of disallowance at iba pang ebidensya kaugnay ng paggamit ng confidential funds.