Ibinida ng Department of Agriculture (DA) ang matagumpay na commercial shipment
ng Davao Agri Products sa Saudi Arabia.
Pinangunahan ng DA Regional Field Office XI ang pagpapadala ng 17.2 metriko tonelada ng Cardava bananas, kamote, at singkamas sa Jeddah, Saudi Arabia, na itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng agricultural exports ng Davao Region.
Nagkakahalaga ng ₱800,000 ang shipment na binubuo ng 1,350 kahon ng Cardava bananas na tig-12 kilo, 50 kahon ng kamote, at 50 kahon ng singkamas na tig-10 kilo bawat isa.
Ayon naman kay Regional Executive Director Macario Gonzaga, patunay ang shipment na nagbubunga ng konkretong resulta ang patuloy na pagsusulong ng export promotion para sa mga magsasaka at agribusinesses sa rehiyon.
Sinabi rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang pagpapalawak ng international markets ay bahagi ng stratehiya ng pamahalaan para palakasin ang sektor ng agrikultura at makatulong na mabawasan ang agricultural trade deficit ng bansa, na lumagpas sa $11 billion kada taon nitong mga nakalipas na taon.
📸 DA

