Tiniyak ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na kayang pagsabayin ng Kamara ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at ang pagdinig sa panukalang 2027 national budget.
Sa isang panayam, sinabi ni Adiong na nakasanayan na ng Kongreso ang sabay-sabay na pagtupad sa iba’t ibang tungkulin at prayoridad.
Aniya, hindi naman lahat ng miyembro ng Kamara at ng Committee on Appropriations ay kailangang dumalo sa impeachment trial kaya maipagpapatuloy pa rin ang budget deliberations.
Inamin ni Adiong na maaaring magkaroon ng kaunting pagbabago sa iskedyul ng budget hearings dahil sa impeachment proceedings.
Gayunman, sinabi niyang karaniwan nang nagdaragdag ng ilang araw ang Kamara sa budget season upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagtalakay sa pondo ng mga ahensya ng gobyerno.
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang maayos na pamamahala ng oras, pagtatalaga ng mga miyembro, at pagbibigay-prayoridad sa mga gawain ng Kamara.
Kasabay ng impeachment trial sa Senado, inaasahang sabay ring tatalakayin ng Kamara ang panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Batay sa naunang pahayag ng Department of Budget and Management (DBM), maisusumite nila ang 2027 National Expenditure Program sa Kamara sa August 14.