Naniniwala si Senate President Sherwin Gatchalian na maipapasa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ang panukalang mag-aalis sa system loss charge na ipinapasa sa mga consumer sa kanilang electric bill.
Ayon kay Gatchalian, may “meeting of the minds” na ang Malacañang, Senado at Kamara kaugnay ng panukala, at walong senador na rin ang naghain ng magkakatulad na panukalang batas.
Giniit ng Senate president na sa pagpapasa ng panukala, mahalagang matiyak na hindi na lang ililipat ng mga distribution utilities ang system loss sa iba pang singil sa electric bill.
Dahil dito, nakasaad aniya sa kanyang panukala na ipinagbabawal ang pagtatago ng system loss sa ibang charge at dapat itong malinaw na nakasaad sa income statement ng mga distribution utilities.
Tinukoy rin niya ang Energy Regulatory Commission (ERC) bilang may mahalagang papel sa pagbuo ng mga regulasyong magtitiyak na hindi na maipapasa sa mga consumer ang naturang gastos sa anumang paraan.
Kapag naisabatas ang panukala, sinabi ni Gatchalian na posibleng makabawas ito ng lima hanggang sampung porsyento sa electric bill ng mga konsyumer at maaari pang umabot sa 12 porsyento sa ilang lalawigan na may mas mataas na system loss.
Samantala, tiniyak naman ng Senate president na hindi siya magpapadala sa anumang lobbying laban sa panukala.
Ayon kay Gatchalian, ang pinakamalakas na “lobby” na kanyang pinakikinggan ay ang panawagan ng mga mamamayan na pababain ang presyo ng kuryente.
Dagdag pa niya, matagal nang pinag-aaralan ang reporma sa system loss at ngayon lang ito muling umusad dahil sa political will ng administrasyon at suporta ng mga mambabatas.