Ipinaliwanag ng isang ekonomista kung gaano kabulnerable ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa nagiging epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, partikular na pagdating sa inflation rate ng bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Filipino-Canadian Economist Michael Batu, sinabi nito na batay sa naging tala ng Bangko Sentral Ng Pilipinas (BSP) sa inflation ng bansa, may malaking epekto pa rin ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Aniya, bagama’t bumaba ang presyo ng ibang mga pangunahing bilihin, mayroon pa ring ibang mga pangangailangan ang tumaas ang presyo na nakaaapekto sa inflation, tulad na lamang ng singil sa kuryente na sinasalo ng mga konsyumer.
Ayon pa kay Batu, depende rin sa sektor na kinabibilangan ng mga mamamayan o antas sa lipunan kung paano nila nararamdaman ang epekto ng inflation sa bansa dahil sa pagkakaiba-iba ng pangangailangan nito.