Nakataas pa rin ang Blue Alert Status ng Office of Civil Defense (OCD) kahit pa isang Low Pressure Area (LPA) na lang ang Bagyong Luis.
Sa panayam ng programang BOSES kay OCD Spokesperson Junie Castillo, inihayag nito na base sa kanilang inisyal na tala mula sa kanilang mga nakalap na datos mula sa iba’t ibang DRRM offices, pumalo na sa 17 barangay ang apektado mula sa Northern Luzon, Bicol Region, at maging ilang bahagi ng Mindanao.
Pumalo naman sa mahigit 7,700 na residente ang apektado ng masamang panahon na posible pang madagdagan habang nagpapatuloy sila sa pangangalap ng datos.
Binigyang-diin ni Castillo na kahit pa isa na lang LPA ang Bagyong Luis ay hindi nila agad ibinaba ang alerto at mahigpit pa ring nakabantay hindi lang NDRRMC Operations Center kundi ang mga regional operations center at mga response teams sa epekto ng masamang panahon.
Papalo naman sa 1,200 na pamilya o katumbas ng aabot sa 4,000 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation center bunsod ng epekto ng masamang panahon at habagat.