Office of the Ombudsman
Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension si Insurance Commission Chief Reynaldo Regalado habang iniimbestigahan ang mga reklamong administratibo kaugnay ng accreditation ng insurance providers sa ilalim ng Personal Passenger Accident Insurance Program (PPAIP) para sa PUVs.
Sa kautusan ng Ombudsman, nakasaad na may sapat na batayan para isailalim si Regalado sa preventive suspension habang dinidinig ang mga reklamong Grave Misconduct at paglabag sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at RA No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act.
Ayon sa reklamo, inaprubahan umano ni Regalado ang accreditation ng isang insurance consortium sa kabila ng mga isyu sa membership nito.
Agad na ipatutupad ang preventive suspension at mananatili ito habang hindi pa natatapos ang administrative case.
Nahaharap din si Regalado sa hiwalay na reklamo kaugnay ng umano’y paglabag sa mga probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.