Naghain si Senador Risa Hontiveros ng isang resolusyon na humihiling na imbestigahan ng Senado, in aid of legislation, ang posibleng epekto ng mga proyektong kaugnay ng Pax Silica Industrial Hub sa Tarlac sa mga manggagawa at komunidad.
Sa ilalim ng Senate Resolution 563, sinabi ni Hontiveros na kailangang masusing suriin ang magiging epekto ng Pax Silica Initiative at ng lahat ng kaakibat nitong proyekto sa ekonomiya ng bansa, mga rehiyon, at mga lokal na komunidad para matiyak kung tunay itong magsisilbi sa kapakanan ng mga Pilipino.
Ang Pax Silica ay isang inisyatibang pinangungunahan ng Estados Unidos na naglalayong makahikayat ng malalaking pamumuhunan, makalikha ng daan-daang libong trabaho, at gawing sentro ang Pilipinas ng advanced manufacturing at mga umuusbong na teknolohiya sa rehiyon.
Iginiit ni Hontiveros na dapat munang tiyakin ng pamahalaan kung matutupad ng proyekto ang mga pangako nito nang hindi naaapektuhan ang kabuhayan ng mga Pilipino o napapalayas ang mga komunidad.
Isa sa mga pangunahing ikinababahala ng senador ang posibleng relokasyon ng mga komunidad ng Aeta at mga magsasaka sa loob at paligid ng planong 4,000-acre na lugar ng Pax Silica sa Luzon Economic Corridor.
Binanggit din sa resolusyon ang mga ulat at babala mula sa mga advocacy group hinggil sa posibleng pagkawala ng tirahan at kabuhayan ng mga residente sa lugar.
Bagama’t tinataya ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na makalilikha ang proyekto ng hanggang 190,000 direktang trabaho at 800,000 hindi direkta at induced jobs, nagbabala rin si Hontiveros na maaaring sa kalaunan ay mapalitan ng artificial intelligence ang ilan sa mga manggagawang tutulong mismo sa pagbuo at pagsasanay ng mga AI system.