Malapit nang makapag-install ng sariling rooftop solar panels ang mga pamilyang Pilipino at maliliit na negosyante nang hindi na kailangang dumaan sa napakahabang proseso at bureaucratic red tape.
Ito ay sa pamamagitan ng House Bill 10431 o ang panukalang “Sariling Kuryente Act” na inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Sandro Marcos kasunod ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Lalabanan ng panukalang batas na ito ang mga mabibigat na requirement, mga karagdagang singilin ng mga distribution utility (DU), at ang mga pagbabawal ng ilang Homeowners’ Associations (HOAs) sa pagpapakabit ng solar panels sa mga tahanan.
Sa kasalukuyang sistema sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001, itinuturing na katulad ng malalaking commercial power plant ang mga karaniwang bahay na gustong magpakabit ng solar. Dahil dito, kinakailangan pa nilang kumuha ng pahintulot sa Energy Regulatory Commission (ERC), magbayad ng mahal na technical impact studies sa mga electric company, at madalas ay pinipigilan pa ng mga HOA.
Sa ilalim ng HB 10431, legal na ihihiwalay ang mga “behind-the-meter” o personal power generation system (tulad ng rooftop solar at battery storage) sa mga commercial power generator.
Paliwanag ni Department of Energy (DOE) Legal Services Director Gabriel Corpus, hindi na kakailanganin ang ERC Certificate of Compliance para sa mga solar setup na para sa sariling gamit lamang at hindi nagluluwas ng kuryente pabalik sa pampublikong grid.
“Basically, under the bill, the ERC is not allowed to—or will not—issue permits for the installation of this solar generation, but will have to come up with standards on equipment to ensure that electricity will not flow into the distribution utility (DU) or the grid,” pahayag ni Corpus. “As for the DUs, they cannot demand extra technical studies and expensive fees on the part of the end-users.”
Ilan pa sa mga pangunahing probisyon ng panukalang batas:
- Bawal na ang Singil at Pahirap ng Power Utilities: Pagkatapos maikabit ang solar system na pang-sariling gamit, kinakailangan lamang magpasa ng simpleng completion notice ang may-ari ng bahay sa kumpanya ng kuryente.
- Mabilis na Aksyon sa Net-Metering: Para sa mga gustong magbenta o magpalit ng sobrang kuryente kapalit ng bill credits (net metering), mayroon lamang 10 working days ang mga kumpanya ng kuryente para umaksyon. Kapag lumipas ang 10 araw nang walang tugon, automatically approved na ito.
- Limitadong Papel ng HOAs: Bawal nang ipagbawal ng mga HOA at property manager ang pagkakabit ng solar panel sa mga pribadong pagmamay-ari. Ang maaari lamang nilang siyasatin ay ang structural integrity o tibay ng gusali at pangkalahatang kaligtasan.
Upang masolusyunan naman ang problema sa mataas na puhunan sa pagbili ng kagamitan, kinumpirma ni DOE Secretary Sharon Garin na naghahanda na sila ng mga rekomendasyon para sa madaling financing o pautang sa mga residente.
“It’s not just allowing them—there will be a system at the DOE on how they apply, but also that they will have access because it isn’t that cheap. They will have access to finance what they install, including batteries if possible,” dagdag ni Garin.
Pakikilusin din ng DOE ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang itakda ang iisang pamantayan sa mga building at electrical permit para maiwasan ang anumang pagkaantala sa antas ng munisipyo at lungsod. ###