Naghain na rin si Senador Chiz Escudero ng isang panukala na naglalayong ipagbawal sa mga power distribution company ang pagpasa ng system loss charges sa mga consumer upang mapababa ang singil sa kuryente ng mga Pilipino.
Sa inihaing Senate Bill 2345 ni Escudero, layong amyendahan ang Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA), na kasalukuyang nagpapahintulot sa mga distribution utility na ipasa sa mga consumer ang bahagi ng system losses sa paghahatid ng kuryente.
Ayon kay Escudero, mahirap nang bigyang-katwiran ang patuloy na paniningil ng system loss charges dahil hindi naman kontrolado ng mga consumer ang kondisyon ng power grid at wala rin silang pananagutan sa mga pagkalugi na dulot ng hindi episyenteng operasyon, lumang imprastraktura, o pagnanakaw ng kuryente.
Sa ilalim ng panukala, hindi na maaaring ipasa ng mga distribution utility sa kanilang mga customer ang gastos na dulot ng technical inefficiencies at electricity pilferage.
Binigyang-diin ng senador na ang mga konsumer ay dapat magbayad lang para sa aktuwal na kuryenteng kanilang nagamit.
Makatutulong aniya ang panukala para maging mas patas ang sistema ng pagpresyo ng kuryente, mahikayat ang mga distribution utility na pagbutihin ang kanilang operasyon, mapalakas ang proteksyon sa mga consumer, at makatulong sa pagpapababa ng presyo ng kuryente.