Kanselado pa rin ang ilang biyahe ng mga barko sa iba’t ibang pantalan sa bansa. Ayon sa Philippine Ports Authority, kabilang sa mga apektado ang ilang biyahe sa mga pantalan sa Mindoro, Bohol, Palawan, at Western Leyte/Biliran.
Sa Mindoro, kanselado ang lahat ng fastcraft sa Port of Calapan at ilang biyahe ng Montenegro Shipping Lines at Starlite Ferries.
Itinigil din paglalayag ng mga barko sa ilang ruta mula sa mga pantalan ng San Jose, Lubang, at Puerto Galera.
Hindi rin muna bumiyahe ang ilang barko mula sa Getafe, Jagna, at Ubay sa Bohol.
Sa Palawan, kanselado ang lahat ng biyahe ng Escapade Tours at ibang mga sasakyang pandagat sa Culion at Coron.
Habang sa Western Leyte at Biliran, hindi rin bumiyahe ang MV Oceanjet 88 na may rutang Cebu–Maasin–Surigao.
Ayon sa PPA, dahil pa rin ito sa epekto ng masamang panahon dulot ng Bagyong Maymay at habagat.