Patuloy ang pagtugon ng Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na apektado ng Bagyong Maymay at pinalakas na habagat.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCOL Allen Rae Co na nasa kabuang 877 na mga pulis ang ipinakalat sa mga naapektuhang lugar, habang nasa 10,111 naman ang mga Reactionary Standby Support Force na posibleng ideploy kung kinakailangan.
Ayon kay Co, nasa 3,012 naman na mga residente ang lumikas sa mga evacuation center.
Bukod dito, umabot na sa anim ang napaulat na nasawi dahil sa epekto ng bagyo at habagat.
Sa bilang na ito dalawa ang napaulat na nasawi sa Rodriguez, Rizal dahil sa rockslide, habang mayroon namang naitalang nalunod isa sa Luna, La Union at isa sa Alaminos, Pangasinan, at dalawa ang napaulat na nasawi sa La Trinidad, Benguet.
Sinabi ni Co na nagpapatuloy din ang validation ng PNP kaugnay sa mga napaulat na nasawi kung ito ay may kaugnayan sa bagyo partikular na ang naitalang mga nalunod.
Sa ngayon, patuloy naman ang pagtulong ng pulisya sa isinasagawang preemptive evacuation at search and rescue operation sa mga apektadong lugar.