Matapos ang matagumpay na paglulunsad sa Isabela, sa Butuan City naman ang punta ng programang LegisHear upang makuha ang opinyon ng publiko sa mga panukalang may kaugnayan sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil, layunin ng programa na mailapit sa mamamayan ang proseso ng paggawa ng batas at maisama ang kanilang mga pananaw bago tuluyang maipasa ang mga panukala.
Pangungunahan ni Butuan City Representative Joboy Aquino II ang konsultasyon na gaganapin sa Caraga State University.
Tatalakayin sa forum ang House Bill 4744 o Basic Education Voucher Assistance Act at House Bill 8470 na naglalayong i-upgrade ang Butuan Medical Center bilang Butuan General Hospital.
Bibigyan din ng orientation ang mga kalahok kung paano nagiging batas ang isang panukala at tatalakayin ang House Bill 9305 o KALINGA Bill.
Magkakaroon din ng focus group discussions upang makuha ang mga mungkahi ng publiko hinggil sa mga serbisyong ibinibigay ng pamahalaan.
Ayon kay Garafil, bahagi ang LegisHear ng layunin ng Kamara sa ilalim ng pamumuno nina Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos na palakasin ang partisipasyon ng mamamayan sa paggawa ng batas.