Nananatiling nasa Pilipinas si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa batay sa impormasyong hawak ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy nilang tinutunton ang posibleng kinaroroonan ng senador sa pamamagitan ng mga natatanggap na impormasyon at pagsubaybay sa mga taong malapit dito. Kabilang na ang mga kaibigan at kamag-anak ni Dela Rosa.
“We are looking at the different places at the supposed whereabouts of friends, relatives as well as kung sino ‘yung lagi niyang kasama. Most probably, nandito siya sa Pilipinas.”
Sinabi ni Nartatez, araw-araw ay nakatatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng kinaroroonan ni Dela Rosa at ito aniya ay kanilang pinaproseso na nagsisilbing intelligence information.
Samantala, nauna nang itinanggi ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mga ulat na naaresto na si Dela Rosa at nananatiling at large ang senador at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Batay sa last known location nito, si Dela Rosa ay nasa Mindanao.