Pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng sense of the senate at nananawagang agarang ibasura ang temporary restraining order (TRO) na nagpahinto sa pagpapatupad ng P85 dagdag sa arawang minimum wage sa National Capital Region (NCR).
Sa sponsorship speech para sa Senate Resolution No. 577, sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na iginagalang ng Senado ang pasya ng hukuman pero umaapela itong agad na alisin ang TRO para maipatupad ang wage increase.
Ayon kay Zubiri, malinaw sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring magpalabas ng injunction o TRO ang mga korte laban sa mga proseso ng wage-setting bodies.
Binigyang-diin din ng majority leader na malaking tulong sana ang P85 umento sa mga manggagawang nahaharap sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, gasolina, kuryente at iba pang pangunahing pangangailangan.
Pinahayag naman ni Senate Committee on Labor Chairman senador Joel Villanueva na tungkulin ng Senado na ipagtanggol ang kapakanan ng milyun-milyong manggagawang direktang naaapektuhan ng pagkaantala ng dagdag-sahod.
Para naman kay Senador Raffy Tulfo, pinahihina ng TRO ang evidence-based tripartite wage-setting system ng bansa at lalong nagpapahirap sa mga manggagawang hirap nang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sinabi naman ni Senador Christopher “Bong” Go na walang saysay ang pagkakaklasipika sa Pilipinas bilang upper-middle-income economy kung patuloy namang nahihirapan ang karaniwang Pilipino sa mataas na presyo ng mga bilihin.
Binigyang-diin naman ni Sen. Loren Legarda na hindi naghihintay gastusin ng mga manggagawang pinoy at bawat araw na naaantala ang wage increase ay lalo lang napipilitang mangutang o magbawas ng gastusin ang mga manggagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion