Nilinaw ni Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol na ang naging desisyon ng Senate impeachment court na mag-take ng judicial notice sa mga naunang pagdinig ng House of Representatives ay hindi nangangahulugang otomatikong tinatanggap bilang ebidensya ang nilalaman ng mga transcript at testimonya.
Ayon kay Tongol, kinikilala lamang ng korte na naganap ang mga pagdinig, may umiiral na opisyal na records o transcripts, at ipinagpapalagay na regular na ginampanan ng mga opisyal ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa at pagdodokumento ng mga ito.
Binigyang-diin niya na walang naging pagkilala ang impeachment court sa katotohanan o katumpakan ng mga testimonya, tanong at sagot na nakapaloob sa transcript of stenographic notes (TSNs).
Dahil dito, sinabi ni Tongol na hindi maaaring gamitin ang judicial notice para basahin o ipasok sa rekord ng impeachment court ang nilalaman ng mga transcript o video recordings ng House hearings bilang ebidensya.
Ipinaliwanag nitong kung nais ng House Prosecution na gamitin ang impormasyong lumabas sa mga pagdinig, kailangan pa rin nitong magharap ng mga testigo at iba pang ebidensya na alinsunod sa umiiral na mga patakaran sa ebidensya.
Samantala, nilinaw din ni Tongol na ang pagpayag ng impeachment court na ilipat ang exhibit markings sa affidavit ni Arturo Lascañas ay isang “mechanical at ministerial act” lamang.
Aniya, ang paglilipat ng markings ay para lang sa tamang pagkakakilanlan ng dokumento at hindi nangangahulugang kinikilala ng korte ang pagiging tunay, balido, o totoo ng nilalaman ng affidavit.
Binigyang-diin ni Tongol na maaari lamang isaalang-alang ang affidavit sa limitadong layunin na patunayang ginamit ito ni dating NBI Director Melvin Matibag bilang isang open-source lead sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Hindi maaaring gamitin ang mga alegasyong nakasaad dito bilang ebidensya ng katotohanan sa impeachment trial. | ulat ni Nimfa Asuncion