Muling iginiit ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ang kahalagahan ng pagpasa ng isang legislated wage hike matapos niyang makiisa sa panawagang agarang alisin ang temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa pagpapatupad ng P85 dagdag sa arawang minimum wage sa National Capital Region (NCR).
Sa kanyang co-sponsorship speech para sa Senate Resolution 577, sinabi ni Ejercito na ang usapin ng makatarungang sahod ay hindi lang tungkol sa umento kundi sa karapatan ng bawat manggagawang Pilipino na mamuhay nang may dignidad.
Ayon sa senador, panahon na para isulong ng Kongreso ang isang batas na magtitiyak ng mas mataas na sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Binigyang-diin ni Ejercito ang kanyang Senate Bill No. 6, na inihain noong July 2025, na naglalayong magbigay ng P250 across-the-board na dagdag sa arawang minimum wage ng lahat ng minimum wage workers sa pribadong sektor, anuman ang kanilang employment status.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi dapat magtapos sa wage increase ang mga reporma para sa mga manggagawa.
Aniya, kailangan ding bawasan ang iba pang gastusin ng mga Pilipino, kabilang ang systems loss charges sa singil sa kuryente, habang pinalalakas ang serbisyong pangkalusugan upang mabawasan ang gastusing medikal ng mga pamilya.
Nanawagan din ang senador ng pangmatagalang reporma para mapalakas ang ekonomiya at makalikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho.