Isinusulong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagpapalawak sa paggamit ng Special Education Fund (SEF) para magamit din ito sa pagkuha ng mga security personnel at pagpapatupad ng iba pang hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ito ay sa gitna ng tumataas na insidente ng karahasan sa mga eskwelahan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 53 o 21st Century School Boards Act, nais ni Gatchalian na palawakin ang mga pinapayagang paggastusan ng SEF.
Bukod sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad, maaari na rin itong gamitin sa mga programang pangseguridad tulad ng pag-deploy ng mga sinanay na security guard sa mga paaralan.
Layunin din ng panukala na palakasin ang papel ng mga local government unit (LGU) sa pagtugon sa mga agarang pangangailangan ng sektor ng edukasyon.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi sapat ang pagkakaroon ng maayos na mga gusali kung walang katiyakan ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ang panukalang amyenda sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160) para mapalawak ang paggamit ng SEF ay kabilang din sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). | ulat ni Nimfa Asuncion