Posibleng si dating House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng pagbawi ng salaysay ng apat sa 18 dating bodyguards ni dating Congressman Zaldy Co.
Nabatid na isinama ng Ombudsman ang mga pahayag ng tinaguriang maleta boys sa gumugulong na imbestigasyon kay Romualdez.
Sa pulong balitaan, tahasang sinabi Ombudsman Jesus Crispin Remulla na “siyempre sino pa ba ang makikinabang diyan kapag nag-recant yan?”
Sinabi naman ni Remulla na kakasuhan ang apat na testigong umatras sa kanilang mga salaysay.
“They’ll be charged. That’s natural. Kasi kaya nga hindi sila chinarge, kasi tumitestigo sila. Pag hindi sila tumestigo, icha-charge namin sila. Accessories after the fact. Covering up.”
Iginiit din ni Remulla na kung babawiin ng mga testigo ang kanilang mga salaysay, maaari pa rin silang iharap bilang hostile witnesses at gagamitin pa rin ng Ombudsman ang kanilang mga naunang affidavit bilang ebidensya sa Korte.
Matatandaang inakusahan ng tinaguriang maleta boys ang pagdi-deliver ng male-maletang pera kina Pangulong Ferdinand R Marcos, Jr., Romualdez, at iba pa.
Samantala, naglabas ng paghayag si Romualdez at mariin nitong itinanggi ang akusasyon ng Ombudsman. | ulat ni Diane Lear