Hinimok ni House Speaker Faustino Dy III ang publiko na aktibong makilahok sa pagbuo ng mga batas sa pamamagitan ng programang LegisHear ng Kamara.
Sa video message na ipinalabas sa ikalawang leg ng LegisHear sa Butuan City, sinabi ni Dy na mahalagang marinig ang tinig ng mamamayan upang makabuo ng mga batas na tumutugon sa kanilang pangangailangan.
Ayon sa kanya, layunin ng programa na ilapit ang Kongreso sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga mungkahi at karanasan.
Kasama rin sa programa ang orientation sa proseso ng paggawa ng batas, at mga focus group discussion hinggil sa mga serbisyo ng pamahalaan.
Binigyang-diin ng House Speaker na hindi kayang maisakatuparan ng mga mambabatas lamang ang mga repormang kailangan ng bansa kaya mahalaga ang pakikilahok ng iba’t ibang sektor.
Aniya, sa ilalim ng Bagong Kongreso, layunin nilang makabuo ng mga batas na bunga ng pakikipagtulungan ng Kongreso at ng mamamayang Pilipino.
“Alam po namin na hindi namin kayang makamit mag-isa ang pagbabagong ating inaasam. Kailangan namin ang inyong boses, ang inyong mga ideya, at ang inyong pakikilahok. Kaya inaanyayahan po namin ang publiko, ang ating mga lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, civil society organizations, academe, at lahat ng sektor ng lipunan na makiisa sa LegisHear. Sama-sama nating hubugin ang mga batas na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng ating bansa.” Ani Dy | via Kathleen Forbes