Umaapela ang Malacañang sa senator-judges na manatiling walang kinikilingan at pairalin ang batas, at sundan ang mga ebidensiya sa pagdinig ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, hindi dapat lumihis sa mandato ang senator-judges sa pamamagitan ng pakikipag-debate o pag-cross examine sa mga testigo.
Aniya, ang tungkulin ng mga ito ay magtanong lamang upang alamin ang katotohanan.
Iginiit din ng opisyal na ang pananagutan sa mga isyung inilalantad sa pagdinig ay hindi dapat i-atang lamang sa mga nasa mababang antas ng ahensya, kundi dapat ding tingnan ang pananagutan ng pinuno ng ahensya.
Kung matatandaan, nagkaroon ng pagtatalo sina Senator-judge Imee Marcos at ang witness na si dating COA State Auditor Roderick Wamil sa impeachment trial, kahapon.
Ito’y matapos kwestyunin ng senator kung bakit si Vice President Sara Duterte, at hindi ang special disbursement officers na sina Gina Acosta at Edward Fajarda, ang itinuturing na accountable officer.