Nagbabala ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa publiko hinggil sa paggamit ng mga bagsak presyong toyo at mantika sa merkado.
Ito’y makaraang masabat sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng CIDG at ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mga nabanggit na produkto sa Brgy. Zone V, Poblacion, Sogod, Southern Leyte noong isang linggo.
Ayon sa CIDG, nagresulta ito sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pagkakakumpiska sa mga iligal na mantika at toyo na nagkakahalaga ng mahigit ₱2.2 milyong piso.
Ayon kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Morico II, nahuli sa akto ang mga naarestong suspek sa palihim nilang pagbebenta ng mga nabanggit na produkto nang walang kaukulang permiso mula sa FDA.
Nabatid na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga puslit na mantika at toyo, salig sa Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration of 2009.
Kasunod nito, nanawagan si Morico sa publiko na huwag tangkilikin ang mga bagsak presyong toyo at mantika dahil bukod sa hindi magandang kalidad, posible pa itong magdulot ng peligro sa kalusugan.

