Patay ang sub-leader ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group gayundin ang apat pa nitong kasamahan.
Ito’y kasunod ng ikinasang operasyon ng militar at Pulisya sa Brgy. Inug-ug, bayan ng Pikit, lalawigan ng Cotabato kahapon ng hapon.
Kinilala ni Army’s 40th Infantry Battalion Commanding Officer, Lt. Col. Erwin Jay Dumaghan ang mga nasawi na sina Marhom Esmael na kilala rin sa alyas “Marhom,” ang sub-lider ng grupo.
Gayundin sina Ameer Hassan; Asnawi Sansawi Usman, isang alyas “Ali,” at isang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Kabilang si Marhom sa mga Most Wanted Personality at nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal, kabilang ang Murder, Frustrated Murder, at Robbery with Violence.
Nabatid na nagresulta sa engkwentro ang ikinasang operasyon na ikinasawi ng mga nabanggit na personalidad.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro ang mga kagamitang pandigma ng armadong grupo na kinabibilangan ng dalawang M16A1 caliber 5.56 mm rifles at tatlong short magazines na isasailalim sa pagsisiyasat.