Nagsagawa ng road maintenance activities ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan 3rd District Engineering Office (DEO), kabilang ang road repainting, pothole patching, at paglalagay at pagsasaayos ng mga road signage sa mga kalsadang sakop nito sa 5th at 6th Districts ng Pangasinan, partikular sa Manila North Road.
Ayon kay Engineer Maia Scylla Rabang, Public Information Officer (PIO) ng DPWH Pangasinan 3rd DEO, naka-on call ang sampung (10) personnel ng kanilang tanggapan ngayong Undas 2026 upang agad na rumesponde sa anumang insidente o pangangailangan ng mga motorista. Kabilang sa mga nakahandang tauhan ang mga driver, mekaniko, equipment operator, at engineer.
Inaasahan din ang pagdami ng mga biyahero na dadaan sa Malico Road kaya naglagay ang DPWH ng karagdagang road safety devices, railings, at reflectorized tires o goma upang makatulong sa kaligtasan ng mga motorista.
Gayunman, pinapayuhan ang mga biyahero na mag-ingat at maging alerto sa pagdaan sa Villa Verde Road dahil may ilang bahagi sa bulubunduking lugar na nakaranas ng soil erosion o pagguho ng lupa. Pinaalalahanan din ang publiko na sumunod sa mga road signage at safety reminders upang matiyak ang ligtas at maayos na paglalakbay ngayong Undas 2026.