Magpapatuloy ang mga programa laban sa malnutrisyon, sa kabila ng inaasahang epekto ng Very Strong El Niño sa supply ng pagkain sa bansa.
Ito ang pagtitiyak ni Council for the Welfare of Children o CWC Executive Director Usec. Angelo Tapales.
Kailangang kasi aniyang agarang matugunan ang problema sa malnutrisyon dahil maaari itong magdulot ng pangmatagalang epekto sa kalusugan at paglaki ng mga bata.
Batay kasi sa 2025 Updating Survey ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI), nasa 25.3% o halos isa sa apat na batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ang may stunting o bansot.
Dahil dito, patuloy ang pagsuporta pamahalaan ang mga programa sa mga Child Development Center o CDC, kabilang ang Supplementary Feeding Program, upang matiyak na nakatatanggap ng sapat at masustansiyang pagkain ang mga bata.
Asahan din na madadagdagan pa ang bilang ng mga CDC sa bansa dahil pinaglaanan na ito ng pondo ng gobyerno, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra malnutrition.
Samantala, ibinahagi rin ni DSWD Assistant Secretary Zabedin Azis ang pagpapatupad ng ahensya ng First 1,000 Days o F1KD Cash Grant sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa pamamagitan nito, nagkakaloob ng karagdagang tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng 4Ps na may buntis at mga batang edad zero hanggang dalawang taon.
Layunin nitong matulungan ang mga ina sa kanilang pangangailangang pangkalusugan gaya ng medical check-up at nutrisyon mula sa kanilang pagbubuntis hanggang sa unang dalawang taon ng kanilang anak na isinilang.