Ilang domestic at international flights ang na-divert sa iba’t ibang paliparan ngayong Sabado, Agosto 8, dahil sa masamang lagay ng panahon sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa.
Batay sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), limang flights ang naapektuhan. Kabilang dito ang isang Cebu Pacific flight mula Incheon na patungong Maynila na na-divert at lumapag sa Iloilo, habang isang flight mula Pagadian na patungo ring Maynila ang lumapag naman sa Kalibo.
Na-divert din sa Clark ang isang China Southern flight mula Guangzhou, habang isang Xiamen Air flight mula Xiamen ay pansamantalang lumapag sa Mactan, Cebu.
Samantala, isang domestic flight mula Cebu patungong Bacolod ang bumalik sa Mactan dahil sa masamang panahon.
Ayon sa CAAP, hinihintay pa nila ang opisyal na ulat ng mga airline kaugnay sa bilang ng mga pasaherong naapektuhan ng mga diversion.
