Nasa 2,519 pamilya o 7,580 indibidwal na lumikas dahil sa epekto ng pinalakas na Habagat at mga Bagyong Luis at Maymay ang nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, umabot sa 74,755 pamilya o 261,048 indibidwal mula sa 696 barangay sa walong rehiyon ang naapektuhan ng sama ng panahon.
Mayroon ding 672 pamilya o 2,206 indibidwal na pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Samantala, umabot na sa ₱5.47 milyon ang naipamahaging humanitarian assistance ng DSWD sa mga apektadong pamilya.
May nakahanda rin ang ahensya na ₱6.06 bilyong halaga ng relief resources, kabilang ang Quick Response Fund at mga food at non-food items. Bukod dito, siyam na bahay ang naitalang lubusang nasira, habang 83 naman ang bahagyang napinsala dahil sa epekto ng habagat at mga bagyong Luis at Maymay. |