Nakapagtala ang Philippine National Police ng 78% case resolution efficiency sa mga kasong administratibo laban sa kanilang mga tauhan.
Batay sa tala ng PNP, mula Agosto 2025 hanggang Hulyo 2026, 1,337 pulis ang natanggal sa serbisyo.
2,276 naman ang nasuspinde, habang 235 ang nademote at 672 ang pinatawan ng reprimand.
Samantala, 3,524 na pulis ang naabsuwelto matapos maibasura ang kanilang kaso o mapatunayang walang pananagutan.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy nitong paiigtingin ang internal accountability at sisiguraduhing patas ang proseso sa bawat reklamong inihahain.
Samantala, tiniyak din ni Nartatez na haharap sa kaukulang kasong kriminal at administratibo ang dalawang pulis na naaresto sa Caloocan City dahil sa umano’y bentahan ng baril. Aniya, mahalaga ang mabilis at patas na pag-aksyon sa mga reklamo upang mapanatili ang tiwala ng publiko.