Photo courtesy of PHILVOCS
Tatlong araw matapos ibaba ng PHIVOLCS sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon, patuloy na bumababa ang aktibidad nito kung saan nakapagtala ang ahensya ng tatlong volcanic earthquakes at dalawang rockfall signals sa nakalipas na 24 oras, ayon sa pinakahuling ulat nito ngayong Agosto 8, 2026.
Kabilang sa mga naitala ang patuloy na pagdaloy ng lava sa mga gullies ng Basud na may 3.8 kilometro, Bonga na 3.2 kilometro, at Mi-isi na 2.7 kilometro ang layo mula sa bunganga.
Samantala, umabot sa 3,953 tonelada kada araw ang sulfur dioxide (SO₂) flux ng Bulkang Mayon batay sa measurement nitong Agosto 7, 2026.
Sa ground deformation, nananatili ang pamamaga ng bulkan, bagama’t may panandaliang pag-impis sa hilagang-silangang bahagi nito.
Nananatiling mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Bulkang Mayon. Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling alerto sa posibleng biglaang steam-driven o phreatic explosions, rockfall mula sa tuktok ng bulkan, at pagbuo o pagdaloy ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.