Pinalalakas ng Pag-IBIG Fund ang programang pabahay ng pamahalaan matapos itong makipagkasundo sa P.A. Alvarez Properties and Development Corporation para mapabilis ang pagtatayo ng mahigit 7,300 abot-kayang housing units sa Batangas, Laguna, at Pampanga sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH Program.
Ayon sa Pag-IBIG Fund, 80% ng mga itatayong yunit ay para sa socialized housing habang 20% naman ay para sa economic housing upang matugunan ang pangangailangan ng mas maraming manggagawang Pilipino sa sariling tahanan.
Bilang bahagi ng kasunduan, maglalagak ang Pag-IBIG Fund ng P2.9 bilyong puhunan sa proyekto sa pamamagitan ng preferred shares na ipatutupad nang paunti-unti o by tranche. Dumaan din umano ito sa masusing pagsusuri upang matiyak ang proteksiyon sa ipon ng mga miyembro.
Sa tala ng ahensya sa unang anim na buwan ng 2026, nakapagpalabas na ito ng P69.19 bilyon sa housing loans na nakatulong sa mahigit 43,000 manggagawa upang magkaroon ng sariling bahay.
Patuloy namang pinag-aaralan ng Pag-IBIG Fund ang iba pang posibleng pakikipagtulungan sa mga housing developer upang mapabilis pa ang pagtatayo ng mga socialized at abot-kayang pabahay para sa mga Pilipino.