Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang ₱90-bilyong Parañaque Spillway Project. Layunin nitong mabawasan ang pagbaha at mapabuti ang kondisyon ng Laguna de Bay.
Ang 10.5-kilometrong spillway ay magdurugtong sa Laguna de Bay at Manila Bay sa pamamagitan ng underground tunnel. Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makatutulong ang proyekto sa pagpapataas ng produksyon ng isda at pagpapabuti ng kalidad ng tubig.
Sinabi ng LLDA na magiging mahalaga rin ito sa oras na gumana ang Manggahan Control Gate Structure na magpapadaloy ng mas maraming tubig mula sa Marikina River patungo sa lawa.
Gayunman, nananatili ang pangamba ng ilang residente sa Muntinlupa at Bacoor dahil sa posibleng relokasyon at pagbabago ng daloy ng baha. Inaasahang makikipagtulungan ang DA at LLDA sa iba pang ahensya at mga lokal na pamahalaan upang maisulong ang proyekto.