Nanatiling sapat ang gross international reserves o GIR ng Pilipinas sa US$103.4 bilyon sa pagtatapos ng Hulyo 2026, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ibig sabihin, may sapat na reserbang dolyar ang bansa upang matugunan ang mahahalagang pangangailangang pangpinansyal at mapanatili ang katatagan ng ekonomiya.
Ayon sa BSP, nagsisilbi ang kasalukuyang antas ng GIR bilang mahalagang panangga laban sa mga external shocks sa ekonomiya, kabilang ang mga hindi inaasahang krisis sa pandaigdigang merkado.
Tinitiyak din ng reserbang ito na may sapat na foreign currency ang bansa para sa pag-aangkat ng mga pangunahing produkto at raw materials, gayundin sa napapanahong pagbabayad ng mga obligasyong panlabas ng pamahalaan.
Bagama’t bahagyang bumaba ang antas ng reserba, nananatili itong nasa ligtas na antas, ayon sa central bank. Sa kasalukuyan, base sa tala ng BSP kaya nitong tustusan ang hanggang 6.7 buwan ng importasyon ng mga kalakal at serbisyo at masaklaw ang 3.6 na beses ng short-term external debt ng bansa.