Photo courtesy of Embassy of Japan in the Philippines
Lumagda ang pamahalaan ng Japan at Pilipinas sa isang kasunduan para sa Build Universal Health Care Program (Emergency Support) para sa pautang na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 30 bilyong yen upang palaka sin ang sektor ng kalusugan sa bansa.
Nilagdaan nina Japanese Ambassador Endo Kazuya at Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ang Exchange of Notes nitong nagdaang linggo na layuning suportahan ang pagpapatupad ng Universal Health Care sa Pilipinas, kabilang ang pagpapabuti ng mga polisiya sa kalusugan at pagtugon sa epekto ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan sa health sector.
Inaasahan ding mapapalakas ng programa ang patas na access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan at ang supply chain ng mga gamot at kagamitang medikal. Ayon sa Japan, makatutulong ito sa pagpapatatag ng ekonomiya at pagsusulong ng social development sa bansa.
May loan limit itong 30 bilyong yen, may 2.5 porsiyentong taunang interes, at babayaran sa loob ng 15 taon kabilang ang limang taong grace period.
Ayon sa Japan, sa kasalukuyang presensya ng mahigit 1,600 Japanese companies sa Pilipinas, inaasahang makatutulong ang programa sa pagpapabuti ng pangangalagang pangkalusugan at pagpapatatag ng ekonomiya ng bansa. Magbibigay rin ito ng mas matibay na pundasyon para sa pagpapalawak ng pamumuhunan at operasyon ng mga negosyo mula Japan sa Pilipinas.