Pitong linggo nang walang overdue regulatory applications ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa lahat ng regional offices nito.
Ayon kay DHSUD Undersecretary Marisol Anenias, napapanatili ng ahensya ang 15-day processing sa pamamagitan ng mga bagong polisiya at pinasimpleng proseso sa ilalim ni Secretary Jose Ramon Aliling.
Kabilang sa mga reporma ang pagpapagaan sa Balanced Housing compliance requirement at pag-isyu ng Temporary License to Sell para sa mga developer na may kailangang kumpletuhing requirements.
Binigyan ang mga regional office ng 15 araw para aprubahan, tanggihan, o ideklarang deficient ang mga aplikasyon.
May 90 araw naman ang aplikante para kumpletuhin ang mga kulang na requirements.
Kasabay nito, isinusulong ng DHSUD ang digitalization ng mga proseso para mabawasan ang manual transactions at human intervention, at mapabilis ang serbisyo sa mga developer.
Ayon kay Secretary Aliling, layunin ng mga reporma na mapabilis ang housing projects habang pinoprotektahan ang mga homebuyer at mas maraming pamilyang Pilipino.