Pansamantalang sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang livestock imports mula sa pitong ekonomiya dahil sa kumpirmadong foot-and-mouth disease (FMD).
Kabilang dito ang Azerbaijan, Bahrain, Cyprus, Iraq, Israel, Kuwait, at Palestine. Ipinagbawal ang pagpasok ng live animals, fresh meat, at iba pang produktong maaaring magdala ng FMD.
Layunin ng DA na maprotektahan ang livestock industry, food security, at kabuhayan ng mga magsasaka. Pinapayagan naman ang ilang “safe commodities,” gaya ng UHT milk at processed meat, basta pasok sa itinakdang requirements.
Ayon sa DA, hindi panganib sa tao ang FMD, pero maaari itong magdulot ng malaking pagkalugi sa livestock sector. Inatasan na rin ang mga quarantine officer na harangin ang mga ipinagbabawal na shipment.