Photo courtesy of Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)
Patuloy na naaapektuhan ng masamang lagay ng panahon ang operasyon ng ilang eroplano sa bansa. Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), may mga kanselado, na-divert, at nag-go around na mga flight ngayong umaga ng Agosto 9.
Batay sa tala ng CAAP 11:00 ng umaga, dalawang biyahe ng Cebgo sa rutang Clark-Masbate at Masbate-Clark ang kinansela dahil sa malalakas na hangin at tailwind condition sa Masbate. Aabot sa 113 pasahero ang naapektuhan ng mga kanseladong biyahe.
Samantala, dalawang flight patungong Maynila mula Bacolod at Kuala Lumpur ang na-divert sa Mactan-Cebu International Airport dahil sa kondisyon ng panahon. Naitala rin ang limang flight na nagsagawa ng go-around maneuver bago ligtas na nakalapag sa kanilang destinasyon sa Ninoy Aquino International Airport.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga pasahero na regular na makipag-ugnayan sa kanilang airline para sa pinakabagong impormasyon sa kanilang mga biyahe habang nagpapatuloy ang epekto ng masamang panahon sa ilang bahagi ng bansa.