Paliit na lamang ang agwat ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam sa spilling level matapos itong patuloy na tumaas bunsod ng walang tigil na pag-ulan dulot ng habagat.
Pagsapit ng 10:00 AM, naitala ang water level ng dam sa 79.73 meters, mas mataas sa critical level na 79.50 meters. Ang spilling level naman ay nasa 80.15 meters.
Kung magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan, posibleng maabot ng La Mesa Dam ang spilling level na maaaring magdulot ng pag-apaw ng tubig.
Kapag nangyari ito, inaasahang dadaloy ang tubig sa kahabaan ng Tullahan River na maaaring makaapekto sa mga lugar sa Quezon City, kabilang ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria, at San Bartolome; gayundin sa ilang bahagi ng Valenzuela at Malabon.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residenteng nakatira sa mga nabanggit na lugar, lalo na ang mga malapit sa pampang ng ilog, na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na pamahalaan.