Pinulong ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson, Atty. Don Artes ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC).
Doon, pinag-usapan ang mga kinakailangang hakbang at gayundin ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang malabanan ang inaasahang epekto ng El Niño sa Kamaynilaan.
Bilang concurrent MMDRRMC, iprinisinta ni Artes ang isang bagong handbook na Basic Essential Guide to Disaster Readiness na maaaring gamitin bilang gabay sa pagtuturo.
Napag-usapan din ang pagbuo ng isang technical working group, katuwang ang Department of Education (DepEd), upang mapag-aralan ang paggamit ng nasabing handbook.
Ayon kay Artes, mahalagang maagang matutunan ng mga kabataan ang tamang paghahanda at pagtugon sa sakuna.
Ibinahagi rin ni Artes na bukas na ang MMDA Disaster Preparedness Training Center sa Carmona, Cavite at maaari itong muling gamitin ng mga lokal na pamahalaan matapos makumpleto ng 10 MMDA personnel ang kanilang training sa Japan, na siya namang magsisilbing trainers sa nasabing pasilidad.
Naglahad naman ang DOST-PAGASA ng climate outlook at weather updates kaugnay ng El Niño, habang ibinahagi ng OCD-NCR ang mga target na hakbang upang mapagaan ang epekto nito sa water, food, at energy security, gayundin sa health at public safety.
Ibinahagi rin ni Artes ang hakbang ng ahensiya para sa traffic enforcers at field personnel tulad ng pagbibigay ng 15-minute water break kada dalawang oras.
Gayundin ang pagpapadala ng tubig sa bawat sektor dahil kinakailangan ng mga ito na mag-hydrate lalo na sa ganitong mainit ang panahon.