Hindi sumipot si Vice President Sara Duterte sa imbitasyon ng National Bureau of Investigation o NBI kaugnay ng mga alegasyon ni Rodulfo Gracioso Jr.
Kinumpirma ni Atty. Paul Lawrence Lim na nagsumite na lamang sila ng affidavit ng Pangalawang Pangulo alas-10 ng umaga.
Kabilang sa isinumite ng kampo ang umano’y 29 na “false” statements ng dating security aide ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon naman kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, susuriin nila ang affidavit at mga ebidensyang isinumite ng Bise Presidente. Sinalang din aniya sa validation ang mga materyales, kabilang ang mga larawan, upang matukoy ang authenticity ng mga ito.
Una nang hiniling ng kampo ni VP Sara na i-reschedule sa araw na ito ang orihinal sanang pagharap nila sa NBI noong October 5.
Nag-ugat ang imbitasyon ng bureau sa alegasyon ni Gracioso na nag-deliver umano siya ng mahigit P2 bilyong maleta-maleta ng cash kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, P1 bilyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at P100 milyon kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte. | ulat ni AJ Ignacio