Aminado ang Department of Energy o DOE na posibleng tumaas ang presyo ng kuryente at magkaroon ng problema sa suplay, kabilang ang posibilidad ng brownout, dahil sa epekto ng “Very Strong El Niño” o matinding init at tagtuyot.
Dahil dito, maaaring tumaas ang demand sa kuryente bunsod ng init ng panahon, habang maaaring maapektuhan naman ang produksyon ng mga hydro at coal power plant.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, gumagawa na ang DOE ng mga hakbang at naghahanap ng iba’t ibang opsyon upang mabawasan ang epekto ng Very Strong El Niño sa sektor ng enerhiya.
Kasabay nito, nanawagan din ang DOE sa publiko na makiisa sa conservation o pagtitipid sa kuryente, kabilang ang mga simpleng hakbang tulad ng:
- Pagpapatay ng ilaw kapag hindi ginagamit o hindi kailangan;
- Pag-unplug o pagtanggal sa saksakan ng mga appliance na hindi ginagamit; at
- Iba pang paraan upang mabawasan ang konsumo ng kuryente.
Ayon sa DOE, malaki ang maitutulong ng mga hakbang na ito kapag pinagsama-sama, na maaaring katumbas ng 10 hanggang 20 porsiyentong pagbawas sa demand sa kuryente. | ulat ni Aj Ignacio