Ipinag-utos ng National Capital Region Police Office o NCRPO sa lahat ng district at police station commanders sa Metro Manila ang pagpapatupad ng mas mahigpit na safety measures upang matiyak ang kaligtasan ng mga pulis sa posibleng epekto ng Very Strong El Niño o matinding init habang ginagampanan ang kanilang mandato.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, mahalagang balansehin ang pangangailangan sa police visibility at kapakanan ng mga pulis.
Direktiba ni Abrahano sa mga police commander na gumawa ng adjustment sa duty schedule at deployment ng mga pulis upang maiwasan ang matagal na exposure sa matinding init.
Kabilang din sa mga hakbang ang pagpapanatiling hydrated ng mga pulis, pagbibigay ng itinalagang oras ng pahinga, at agarang pagtugon sa mga sintomas ng heat exhaustion o heat stroke.
Tiniyak naman ni Abrahano na hindi mapuputol ang paghahatid ng serbisyo ng pulisya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa Metro Manila sa kabila ng mga adjustment na ipatutupad dahil sa epekto ng Very Strong El Niño. | ulat ni Aj Ignacio