Nasungkit ng Lungsod ng Maynila ang Silver Award sa Tech-Innova City category ng Seoul Smart City Prize 2026 dahil sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa disaster management at pamamahala sa lungsod.
Pumangalawa ang Maynila sa Madrid, Spain at kapantay ng Buenos Aires, Argentina sa nasabing parangal.
Kinilala ang Manila Innovation Integrated GIS and Data Hub na gumagamit ng digital mapping at real-time monitoring para sa mas mabilis na pagtugon sa baha, sunog, at iba pang emergency sa anim na distrito ng Maynila.
Ayon kay Manila City Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso, bunga ito ng ilang taong pagsisikap ng GIS team at mga tauhan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD).
Binigyang-diin ni Domagoso na mahalaga ang pamumuhunan sa teknolohiya upang mapalakas ang kaligtasan ng mga Manileño sa panahon ng sakuna.
Ang Maynila ang nag-iisang lungsod mula sa Pilipinas na nakatanggap ng parangal sa kompetisyon.