Nanawagan ang network ng Digital advocates na Digital Pinoys sa mga mambabatas na irekonsidera ang Senate Bill No. 2424 o Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces Act, na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng social media ng mga batang wala pang 18 taong gulang.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na kinikilala nito ang hangad ng panukala na protektahan ang mga bata laban sa online harm, gayunman, hindi umano sapat ang blanket ban dahil hindi nito direktang tinutugunan ang mga mekanismong naglalagay sa mga bata sa panganib.
Hiniling ng grupo na obligahin ang social media platforms na magpatupad ng mas mahigpit na privacy at safety measures para sa minor accounts, kabilang ang restrictions sa content at interactions at screen-time controls.
Tinutulan din ng Digital Pinoys ang awtomatikong paggamit ng government-issued IDs bilang paraan ng age verification, at iginiit ang paggamit ng privacy-preserving at data-minimizing age-assurance mechanisms.