Photo courtesy of Mayor Along Malapitan FB
Sa gitna ng mga pag-ulang dala pa rin ng habagat, nanawagan si Caloocan Mayor Along Malapitan sa mga magulang na huwag payagang maligo o maglaro ang kanilang mga anak sa baha, gayundin sa mga lugar na malapit sa ilog, estero at creek.
Ayon sa alkalde, patuloy na nakatutok ang pamahalaang lungsod, katuwang ang City Disaster Risk Reduction and Management Department, para mailayo sa kapahamakan ang mga kabataan sa lungsod.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng alkalde ang lahat ng barangay na manatiling naka-high alert at tiyaking nakahanda ang kanilang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management teams partikular sa mga mabababang lugar.
Patuloy ding mino-monitor ng pamahalaang lungsod ang sitwasyon sa La Mesa Dam at Tullahan River dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig.
Hinimok ni Malapitan ang mga residente na manatiling alerto, makinig sa mga opisyal na abiso at agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa mabilis na pagresponde at paglikas kung kinakailangan.
Binigyang-diin niya na hindi dapat hintaying lumala ang sitwasyon bago kumilos, lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha.