Ipinagluluksa ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagkasawi ng limang mag-aaral matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Brgy. Guisad Surong, Baguio City.
Ito’y sa kasagsagan ng malalakas at sunod-sunod na mga pag-ulang dulot ng #HabagatPH sa malaking bahagi ng bansa sa nakalipas na mga araw.
Batay sa impormasyong nakalap ng DepEd, dalawa sa nasawi ay mga estudyante ng Guisad Valley National High School, isa ay Grade 3 at isang Grade 4 na estudyante naman ng Bonifacio Elementary School at isang estudyante sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).
Kasalukuyang wala pa ring pasok sa nasabing paaralan habang inaalam na ng mga kinauukulang opisyal nito ang pinsalang idinulot ng sama ng panahon sa kanilang mga pasilidad.
Tinututukan din ang kalagayan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang tauhan ng paaralan katuwang ang Lokal na Pamahalaan.