Ipinakita ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa inilabas nitong flood extent maps ang lawak ng pagbaha sa Region 1, 2, at ilang bahagi ng Abra at Zambales matapos ang malalakas na pag-ulan dulot ng Tropical Storm Maymay at pinalakas na Habagat.
Batay ang mga flood map sa Sentinel-1 Synthetic Aperture Radar (SAR) satellite images na nakuhanan noong August 6 para sa Region 1 at August 9 para sa Region 2.
Gumamit din ang PhilSA ng artificial intelligence (AI) upang matukoy ang mga binahang lugar gamit ang pinagsamang tatlong SAR satellite images.
Ayon sa PhilSA, epektibo ang SAR satellite imagery sa flood mapping dahil nakakakuha ito ng datos kahit makapal ang ulap at kahit gabi.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na maaaring hindi matukoy ng teknolohiya ang ilang pagbaha sa mga urban at makakapal ang vegetation areas dahil sa limitasyon ng SAR data.
Sinabi rin ng PhilSA na ang mga flood map ay sumasailalim pa sa ground validation upang matiyak ang katumpakan ng mga resulta.