Opisyal nang pinagtibay sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) ang kolaborasyon sa pagitan ng Presidential Broadcast Service – Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS) at ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) para sa pagsisimula ng bagong programang radyo na pinamagatang “ARTAlakayan.”
Sa isang pahayag sa ginanap na okasyon, binigyang-diin ni ARTA Director General Ernesto Perez ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos, bukas, at mabilis na pampublikong serbisyo para sa bawat mamamayan. Nilalayon ng kolaborasyong ito na magbigay ng malinaw na impormasyon tungkol sa mga serbisyo ng gobyerno, mga karapatan ng mamamayan, at mga hakbang upang maiwasan ang talakayan o proseso ng “red tape” sa iba’t ibang tanggapan.
Ang ARTAlakayan ay mapapanuod sa RP Facebook at YouTube pages simula sa Huwebes, August 13, 1:00 PM hanggang 2:00 PM sa Radyo Pilipinas (Radyo Publiko).
Kasama sa Memorandum of Agreement Signing Ceremony sina ARTA Director General (DG) Secretary Ernesto V. Perez, Deputy Director Usec. Juabilly Racho, PBS-BBS OIC Dir. Alan Allanigue at mga kawani ng ARTA at PBS.
Sa pamamagitan ng bawat episode ng programa, magkakaroon ng pagkakataon ang publiko na mas maunawaan ang mga bagong reporma, estratehiya, at patakaran sa pamamahala. Layunin din nitong maging bukas na plataporma kung saan maidudulog at matutugunan ang mga tanong at karanasan ng mga mamamayan upang maibalik ang tiwala at disiplina sa serbisyo publiko.



